Na magbigay nang ayon sa nararapat na walang hinihintay mula sa ‘Yo
Na makibakang ‘di inaalintana mga hirap na dinaranas

—“Panalangin sa Pagiging Bukas Palad” ni San Ignacio de Loyola

a

Ang nakapagtataka sa lahat ay kung paanong hindi magkasunduan ang dalawang nagmamahalan. Paano kaya posibleng mangyari ito?—na nauuwi sa away, tampuhan at sakitan ang ‘di umano’y tunay na pag-ibig ng dalawang magkasintahan.

Madali para sa iba na sabihin na kaya hindi magkasunduan ang dalawang nagmamahalan ay dahil hindi talaga sila nagmamahalan. Taliwas sa diwa ng pag-ibig ang hindi pagbigyan ang iniibig. Kung tunay ang pag-ibig, dapat laging pinagbibigyan ng mangingibig ang kanyang iniibig upang iwasan ang hindi pagkakasunduan, away, at tampuhan. “Pagbibigyan kita, dahil iniibig kita.” Dahil kung wala naman talagang pag-ibig o pagnanais umibig, kung, halimbawa, poot at galit naman pala ang nasa puso ng isang relasyon (gaya ng sa mga magkatunggali, magkaaway at magkalaban) walang dahilan upang subukan man lamang na magkasunduan ang dalawang panig—bagkus ang tunay pa nilang layon ay saktan ang bawat isa. Ngunit hindi ba nangyayari rin na pinakamadalas nating hindi makasundo ang mga taong pinakamamahal natin (ang kaibigan, kapatid, at kasintahan)? Ito nga ang nakapagtataka sa lahat. Paano kaya ito iisipin?

Bilang panimula, tignan natin nang mas masusi ang kaugnayan ng mga salitang “pagbigyan” at “pag-ibig” sa isa’t isa upang linawin kung sa unang banda’y magkakambal nga o magkaiba pala ang mga ito.

Kapag sinasabi ko, halimbawa, na “pagbibigyan na kita,” para bagang ang sinasabi ko rin ay “hahayaan na kita.” Ngayon, ano ba ang mga pagkakataon o kailan ba natin hinahayaan ang isang bagay o tao? Madalas, kapag may ginagawa o may gagawin itong isang bagay na hindi natin sinasang-ayunan o hindi kanais-nais, hindi lamang sa sarili nito, ngunit lalo na kapag laban na ito sa atin. Halimbawa, kapag nagpaalam ang binatilyo upang maglakwatsa sa gabi, pinagbibigyan siyang lumabas ng kanyang mga magulang bagaman tiyak na mag-aalala sila. Kapag nag-aaway naman ang dalawang magkapatid, laging pinagsasabihan ang nakatatanda na pagbigyan na lamang ang nakababata dahil siya ang dapat mas marunong umunawa. At iba pa.

Kaya sa isang banda, lumalabas na para bagang ang ibig sabihin lamang ng “pagbigyan mo na” ay “hayaan mo na,” isang uri ng pagtitimpi o pagpigil sa iyong sarili na hawakan o maneobrahin ang mga gawain ng iba; isang uri ng pagsasantabi ng iyong sarili kahit sa katotohanan ay ayaw mo naman itong gawin; isang pagpapalaya sa iyong hinahayaan. Maganda lahat ito at nalalapit nga sa pag-ibig kung gayon ang “pagbigyan mo na.” Sa kabilang banda naman, maaaring lumabas din na ang talaga palang kahulugan ng “pagbigyan” ay “pagpapabaya.” Pansinin na magkahawig ang “pagbibigyan na kita” sa “pababayaan na kita”; parehong may aspeto ang dalawang kahulugan ng isang uri ng kawalan ng pakialam, para bagang “bahala ka na.” Sa ibang salita, sa halip na pagbigyan ko siya at hayaan na lamang dahil iniibig ko siya, nangyayari rin na ang tunay na dahilan kung bakit ko siya pinagbibigyan ay dahil wala na akong pakialam sa kanya. Pagbibigyan, pababayaan ko siyang gawin kung ano ang gusto niya dahil “bahala na siya sa buhay niya.”At kung may pagwawalang-bahala pala na nakatago sa diwa ng “pagbigyan,” nagiging magulo na ang usapan dahil naghahalo na sa salitang “pagbigyan” ang kapwa pag-ibig na matatagpuan sa “hahayaan na kita,” at kawalan ng pag-ibig na baka nakatago pala sa “pababayaan na kita.” Maitatanong ngayon kung tunay nga ba ang pag-ibig ng isang tao kung laging pinagbibigyan lamang nito ang kanyang iniibig.

Anuman ang sagot sa tanong na iyan, hayaan na muna natin at pabayaan. Maghanap tayo muli ng ibang pagpapakita ng “pagbibigyan na kita.” Sa iba pang gamit nito, kapag pinagbibigyan ko ang aking iniibig ang ginagawa ko rin ay pinapatawad ko siya sa kanyang pagkakamali. “Patatawarin na kita, dahil iniibig kita.” Sa makitid na paraan, ang ibig sabihin ng “pagbibigyan na kita” rito ay “bibigyan na lang kita ng tawad,” o babawasan ko na lamang ang aking kikitain para sa iyong benepisyo. O maaari rin itong tignan bilang “patatawirin na lang kita,” upang mapuntahan mo ang nais mo at hindi ako maging hadlang sa iyo. O, kung pahihintulutan, maaaring mag-anyong banal din ang “pagbibigyan na kita” kapag sinasabi ito sa harap ng mga nagkasala sa atin. “Patatawarin na kita,” at ang iyong kasalanan sa akin, bagaman mali o masama ang iyong ginawa, bagaman nasaktan mo ako. Kasalanan? Paano naman pumasok dito ang kasalanan at kasamaan?

Hindi moralistiko ang pag-ibig kaya naman kailangang isipin na hindi talaga nagkakasala o sadyang gumagawa ng masama laban sa isa’t isa ang tunay na nagmamahalan. “Laging lagpas sa mabuti at masama ang ginagawa para sa pag-ibig” (Nietzsche). Marahil mas tapat sa karanasan ang sabihin na lamang na may mga pagkakataon na hindi lang talaga nagkakasundo ang dalawang nag-iibigan anuman ang subok nilang iwasan ito. Alam iyan ng mga mangingibig. At dito bumalik na tayo sa sinimulan natin: Bakit maaaring hindi magkasunduan ang dalawang tunay naman na nagmamahalan? Ipagpalagay natin ayon sa ating nakita na ito’y dahil may mga pagkakataon lamang talaga kung kailan hindi na kayang pagbigyan o patawarin ng mangingibig ang kanyang iniibig kung nagkakamali, nagkukulang, o nagkakasala ito. Paano kung hindi ka na kinikibo ng iyong asawa, kung nangangaliwa na siya, sinasaktan ka na? Sinasabi ng iba, lalo na ng mga nag-aanyong banal: “kung ang Diyos nga nagpapatawad, tao pa.” Madali itong sagutin: hindi naman tayo Diyos. Tao lamang tayo na nagdaramdam, napupuno, nasasaktan. Minsan, kapag malalim na ang sugat, kapag walang-wala o pagod na pagod ka na, kapag tuyo na ang balon o puno na ang salop, hindi na ganoon kadali, o tila imposible na, ang magpatawad.

Kaya naman maaaring biglang maghiwalay ang mga magkasintahan na kay tagal nang magkayakap, o ‘di kaya’y mauwi pa sa galit at poot ang dating inakalang wagas na pag-iibigan. Hindi maisasantabi na maaaring masaktan at mahirapan ang sinumang nasa isang relasyon. Alam nating lahat na mahirap umibig. Makikita ito sa dalawang kahulugan ng salitang “mahirap.” Una, “mahirap umibig” dahil nangangailangan ito ng lakas, tiyaga, pagsisikap, pasensya, at iba pa. Malinaw ito. Ikawala, “mahirap ang pag-ibig” sa ganang dukha o maralita ito. Kailangan laging ibigay ng mangingibig ang kanyang panahon, pag-aari, pati na rin ang kanyang sarili bilang handog sa kanyang iniibig. Sa pasiya kong ibigin kita, waring sinasabi ko na hindi na rin mahalaga ang aking sariling kaligayahan dahil ang mahalaga na lamang mula sa ngayo’y ang iyong kaligayahan. Ang pag-ibig ayon nga sa palaisip na si Leibniz ay “ang maging malugod sa kaligayahan ng iba.” Kumbaga, hindi na ako kundi ikaw na. Alam ito lalo na ng mga magulang.

Ang tunay na pinipili ko kapag pinipili kong umibig ay ang maghirap at maging mahirap para sa at sa harap ng aking iniibig. Bagaman hindi natin ito agad na sinasabi nang may buong kaalaman (o kaya nalalaman na lamang natin ito sa paglipas ng panahon o kung kailan huli na ang lahat), implikasyon ng pagsabing “iniibig kita” ang “ibibigay ko sa iyo ang lahat.” At ano ang matitira sa akin kung ibinigay ko ang lahat? Ito lamang: wala. Ngayon, dahil hindi maiiwasan ang sakripisyo at pagsuko ng sarili sa anumang pasiya na umibig, hindi talaga maiiwasang maging bukas din ang mangingibig sa sakit na maaari niya lamang maranasan dahil sa pagbubukas ng kanyang sarili. Gaya ng kamay na sa pagbubukas upang makapagbigay ay maaaring paluin o itanggi, o gaya ng rosas na sa pamumukadkad upang magbahagi ng kagandahan ay maaaring pitasin. Laging nasa mapanganib na kalagayan ang nagbibigay; bukod sa mahihirapan ito at magiging mahirap, maaaring sa dulo’y lalo pa itong masaktan, mabigo, o matalo. Hindi ba’t kapag naghihiwalay ang mga magkasintahan ang mas nagbigay at tunay na umibig ang siyang lalong nasasaktan?

Kapag kasi “pagbibigay” at hindi na lamang “pagbigyan” ang diwa ng pag-ibig, nagbabago ang lahat para sa isang mangingibig. Bagaman hawig kung pakinggan at ilang titik lamang ang pinagkaiba ng dalawang salita, walang kasinlayo ang isang mapagbigay na mangingibig sa isa na pinagbibigyan lamang ang kanyang iniibig. Kapag ang pagbibigay ang nasa puso ng aking pag-ibig, inaatasan ko ang aking sarili na ipagkaloob ang lahat sa iniibig ko sa lahat ng panahon. (Kaya naman tanga at pabaya ang pag-ibig: hindi na nito iniisip ang ibang bagay kundi ang iniibig, hindi na inaalintana ang sariling paghihirap at sakripisyo.) Sa kabilang panig, kapag pinagbibigyan ko lamang ang iniibig, tila kailangan ko munang isipin kung kailan ko siya pagbibigyan at kung kailan hindi; kung kailan lagpas na sa kaya kong ibigay ang ibinigay ko at kung kailan “kasya pa” o “puwede pa”; kung kailan sobra na ang ginagawa niyang pananakit sa akin at kung kailan kaya ko pa itong batahin. O muli, walang pasubali at walang mga hangganan ang pagnanais magbigay ng bukas palad na pag-ibig. Kapag naman pinagbibigyan ko lamang ang iniibig, para bagang sinasabi ko na may mga kundisyon at hangganan ang pagbibigay—at pag-ibig—ko. Na kapag hindi ko na kaya’y suko na ako, kapag sumusobra ka na itigil na natin ito, o kapag “ubos” na ako—pagod na, wala nang maibubuga, sawa na—ay tama na. At kung tama na, sobra na, iiwan at papalitan na kita.

Dito lumuluwag ang sa una’y mahigpit na kabalintunaan ng ating nakapagtatakang problema. Umiikot ang sagot sa bugtong na bakit hindi magkasunduan ang dalawang nagmamahalan? sa hindi napansing salita na “magkasunduan.” Tunay bang isang kasunduan lamang ang pag-ibig sa pagitan ng dalawang tao? Isang pagkakasundo na pinapasok ng dalawang panig na nais pangalagaan at palaguin ang kanya-kanyang karapatan at interes? Isang pagkakamayan na kailangang maipasatotohanan ng dalawang pirma gaya sa isang kontrata? Kung gayon, isang kasunduan na para bagang ang sinasabi’y “pagbibigyan kita, ngunit hindi mo maaaring gawin ang mga sumusunod . . . “? Sa isang salita, isang kasunduan ba ang pag-ibig na nagsasabing “iibigin kita hanggang sa iniibig mo rin ako”?

Kung saan ang tanging pinapasok lamang na kasunduan ng isang mapagbigay na pag-ibig ay ang magbibigay ito kahit walang kasunduan, iibig nang walang inaasahang kapalit, ano man ang mangyari, o ano man ang gawing kasalanan o pananakit ng iniibig sa mangingibig. “Kung gagawan lamang ninyo ng mabuti ang gumagawa sa inyo ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hinihintay? Kahit ang mga makasalanan ay gumagawa rin nito” (Lukas 6:32). Ang ibigin ka hindi man tayo magkasunduan ang siyang pangako ng isang bukas palad na pag-ibig. Lagpas sa anumang kontrata, mabisa pa sa anumang lagda, ipinapangako ng bukas palad na pag-ibig na mula ngayo’y wala na itong iba pang gagawin kundi ang ialay ang sarili kahit na ang sariling ito ay “palugi” o “patalo” o “naaagrabyado“ na. Ang magbigay nang kahit talo ka na o wala nang nakukuha—tunay itong pag-ibig dahil mahirap ang tunay na pag-ibig. Sa mga mata ng dukhang mangingibig tanging ang minamahal lamang ang tunay na mahal.

Ano ang Kaingin?

7 July 2010

Ang kaingin ay isang lagay ng lupa sa gitna ng isang makahoy na gubat kung saan wala o iilan lamang ang puno na tumataklob sa sinag ng araw o liwanag ng buwan. Dahil sa pambihirang pagbubukas nito sa kalagitnaan ng mga anino, maaaring magpakita sa kaingin ang mga nagtatago sa dilim. Maraming landas sa gubat, minsa’y paikot-ikot o di kaya’y walang tinutungo. Ngunit minsan, kung pinalad ka, bigla na lamang humihinto ang tinatahak mong landas sa isang tahimik at mahiwagang kaingin. Isa ako sa mga pinalad masumpungan ang kaingin ng ating  buhay. At ito ang aking mga nakita.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.